PANTINGAN, PILAR, BATAAN — Noong Disyembre 6, 2024, ipinagdiwang ang Buwan ng Pagbasa sa Dr. Victoria B. Roman Memorial High School. Ang mga mag-aaral ay nagpakitang-gilas sa cosplaying ng iba’t ibang personalidad.
Kabilang sa mga aktibidad ng selebrasyon ay ang pagbasa ng mga kuwento na nagbigay-inspirasyon sa bawat mag-aaral. Ang bawat seksyon ay lumahok sa storytelling na sinamahan ng video presentations. Kasama rin dito ang paggawa ng mga slogan at poster, kung saan naipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang talento sa sining na tumutugma sa tema ng pagdiriwang ngayong taon.
Isa sa mga tampok na aktibidad ang cosplay competition, na naging highlight ng programa. Matapos ang mga aktibidad, ginawaran ng parangal ang mga nagwagi. Para sa kategoryang cross-dressing, ang mga nanalo ay sina Elgen Dimaunahan at Tristan Jace Enopia—gumanap bilang Glinda Upland Elphaba Thropp mula sa Wizard of Oz—para sa Junior High School, at Jaenel Micosa na nagpamalas bilang Neji Hyuga sa Naruto para sa Senior High School. Sa kategoryang pagbibihis bilang antagonista at protagonista, ang mga nanalo ay sina Rucell Tria at Rona Pacayra na nag-anyong Coronel Yuta at Teresita Borromeo mula sa Pulang Araw (Junior High) at Rafael Rubia at Ederlyn Estopen na umarte bilang Beast at Belle sa Beauty and The Beast (Senior High).
Samantala, para sa pangkalahatang cosplay competition, kinilala bilang GRAND CHAMPION sina Eizen Landicho at Mary Angel Morales na gumanap bilang Maria Clara at Padre Damaso mula sa Noli Me Tangere.