Wednesday, December 25, 2024

Bibingka

 

Bibingka

Tanaw mula sa malayo ang nagniningning na liwanag ng krus ng simbahan—tila ako'y buong galak na tinatanggap sa kaniyang tahanan.

"Simbang gabi na naman,"

Ang malamig na gabi ng Disyembre ay naglalaho sa mga ngiti at tawanan ng mga tao. Nasilayan ko sa sulok ng simbahan ang isang limang-miyembrong pamilya na nagsisitawanan, puno ng saya. Lahat sila'y pare-parehas na kulay-dagat ang damit. Ang dalawang babae ay nakabestida habang ang tatlong lalaki naman ay nakapolo. Malapit sa altar, ang paningin ko ay napunta sa apat na magkakaibigan na nagkukwentuhan, mga bata pa ngunit puno ng kwento. Pareho kami ng eskwelahang pinapasukan, ngunit tatlong taon silang mas bata kaysa sa akin. Napangiti ako habang binabalikan ang mga alaala ng aming kabataan—ilang taon din ang lumipas, pero sila pa rin ang magkasangga.

Sa tabi ko naman, siya ang aking namasid. Magkahawak-kamay kami, at tila ang bawat segundo ng aming pagsasama ay hindi mawawalay.

"Gutom ka ba? Maaga pa naman. Bili tayo ng paborito mo, gusto mo?"

May ngiti na hindi kayang itago ang aking mga labi nang maamoy ko ang puto bumbong na tila tinatawag ang bawat tao sa masarap na simoy nito. Ngunit nang masilayan ko ang bibingka, parang ang buong mukha ko ay nabalot sa tuwa. Marahil ay nakita niya ang reaksyon ko, kaya siya’y humalakhak ng mahina, sabay sabing,

"Tatlong bibingka nga po," sabay abot ng bayad sa ginang na nagtitinda.

"Ito, dalawang bibingka. Alam kong matagal mo nang hinihintay 'yan."

Napabaling ang aking atensyon sa bibingka—hindi lamang isang pagkain kundi isang simbolo ng aming pagmamahalan. Isang paghihintay, isang pagtitiis, at isang tamis na mas lalo pang pinapainit ng tamang panahon.

Ang bawat kagat, sa simpleng pag-aalaga at pagmamahal, ay isang paalala ng mga maliliit na bagay na siyang nagpapasaya sa buhay.

No comments:

Post a Comment

We’d love to hear your thoughts! Feel free to share your comments below, and please remember to keep them respectful—no inappropriate language, thank you!

Search This Blog

Powered by Blogger.